QCPD, magdadagdag ng tauhan sa matataong lugar ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | December 6, 2018 (Thursday) | 9837

Sa madidilim na bahagi ng lansangan gaya ng mga overpass o foot bridge, karaniwang nangyayari ang mga krimen tulad ng panghohold-up.

At sa mga pagkakataong hindi tiyak ang seguridad sa lugar, ilan sa mga kasambahay natin ay may kani-kaniyang ginagawang paghahanda sakaling malagay sa ganitong sitwasyon.

Tulad ng call center agent na si Nikki Gaspar na madalas ay sa alanganing oras ng gabi pumapasok. Meron aniya siyang secret weapon na madali niyang mabubunot sakaling malagay siya sa peligrosong sitwasyon.

Ayon naman sa english teacher na si Eleazar Laude, mainam na may kaalaman din tayo sa basic self defense bukod sa laging pag-iingat lang tuwing lumalabas ng bahay.

Bunsod na rin ng pagpasok ang holiday season, magdaragdag ng police deployment ang Quezon City Police District (QCPD). Partikular na paiigtingin ang police visibility sa mga mall, mass transport system at main thoroughfares upang maiwasan na rin ang petty crimes na karaniwang nangyayari sa holiday season.

Paalala naman ng otoridad sa publiko, huwag nang maglabas ng mga mamahaling gamit tulad ng cellphone sa mga pampublikong sasakyan at iwasan magsuot ng alahas o magdadala ng maraming cash kundi rin lang kailangan at umiwas na maglakad sa madidilim na lugar.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

 

Tags: , ,