Puting usok na inilalabas ng Bulkang Mayon, senyales ng unti-unting pagkalma nito – PHIVOLCS

by Radyo La Verdad | February 16, 2018 (Friday) | 4580

82 million cubic meters na lava na ang nailabas ng Bulkang Mayon ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, pinakamarami simula noong 1960.

Bagamat hindi isinasantabi ang posibilidad ng malakas na pagsabog, tiwala ang PHIVOLCS na unti-unti ng kumakalma ang Mayon. Ang batayan ay ang walang tigil na paglabas ng puting usok ng Bulkan.

Ang usok na lumalabas sa Mayon ay tinatawag ng PHIVOLCS na sulfur dioxide, hanggang patuloy daw na nakikita ang usok walang nakakasagabal sa magma at maayos na makakalabas ang lava, senyales na posibleng kumakalma na ang Bulkan. Ngunit ayon sa PHIVOLCS hindi pa ito sapat upang ibaba ang alerto ng Mayon.

Sa nakalipas na beinte kwatro oras, nakapagtala ang ahensya ng lava fountaining na tumatagal ng hanggang dalawampung minute, lava flow na umabot na hanggang sa 4.5 kilometers mula sa tuktok ng bulkan.

Halos isang daang volvanic earthquakes na nagdulot ng pagbagsak ng mga bato at patuloy na pamamaga o swelling ng bulkan.

Hindi pa masabi ng PHIVOLCS kung gaano karami pa ang lava na dapat ilabas ng bulkan at kung kailan ito matatapos. Pero dahil sa inilalabas na puting usok ng Mayon, bahagya na ring nabawasan ang pangamba ng isang malakas na pagsabog.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,