Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines na hindi nila ititigil ang law enforcement at military operations upang tugisin ang teroristang grupong Abu Sayyaf at sagipin ang kanilang mga bihag.
Nagsimulang tugisin ng militar noong pang nakalipas na taon ang mga kumidnap sa dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pilipina sa Samal Island noong Septembre 2015.
Tinutoo ng bandidong grupo ang banta nitong pamumugot ng ulo sa isa sa mga bihag na Canadian na si John Ridsdel matapos hindi maibigay ang hinihinging 300-milyong pisong ransom money.
Kapuwa mariing kinondena ng pulisya at military ang pagpugot sa ulo ng Canadian national ng Abu Sayaff.
Ayon naman sa Department of National Defense dahil sa kanilang ginawa marapat lamang na pag-ibayuhin pa ang pagtugis sa mga terorista upang masagip ang iba pang kidnap victim.
Nagpaabot din ng pakikiramay sa Canadian government at pamilya ni Ridsdel ang pamahalaan ng Pilipinas.
Mariin namang kinundena ni Prime Minister Justin Trudeau ang pangyayari.
“Canada condemns without reservation the brutality of the hostage-takers and this unnecessary death. This was an act of cold-blooded murder and responsibility rests squarely with the terrorist group who took him hostage,”
Nangako naman ang AFP at PNP na papanagutin ang Abu Sayaff sa kanilang ginawa.
Nilinaw ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na focused military operations at hindi all-out war o all-out offensive laban sa Abu Sayyaf ang ginagawa nila.
Ayon sa AFP may iba pang banyagang bihag ang Abu Sayyaf Group kabilang na ang 14 na Indonesians, 4 na Malaysians, 1 Canadian at 1 Norwegian.
(Rosalie Coz/UNTV NEWS)
Tags: Abu Sayyaf, Armed Forces of the Philippines, Prime Minister Justin Trudeau