Purchasing power ng mga minimum wage earner, natapyasan ng P76 dahil sa inflation

by Radyo La Verdad | November 8, 2022 (Tuesday) | 17580

METRO MANILA – Batay sa kalkulasyon ng isang labor group na Partido Manggagawa, nasa P76 na ang natapyas sa sahod ng mga minimum wage earner dahil sa naitalang pagtaas ng inflation rate nitong Oktubre na umabot sa 7.7%

Ayon kay Renato Magtubo, Chairman ng grupo, ang mahigit sa P500 na minimum na sahod ng mga mangagawa sa National Capital Region at mahigit P400 sweldo sa probinsya.

Kulang na kulang na umano para tugunan ang pangangailangan ng isang mangagawa lalo na kung mayroong sariling pamilya.

Dahil dito nananawagan ang grupo na madagdagan ng P100 ang arawang sweldo ng mga mangagawa upang makasabay naman sa tumaatas na presyo ng mga bilihin.

Ayon pa kay Magtubo, ang P100 na dagdag sa sahod ay para lang sa wage recovery upang sumapat pa rin ang arawang sahod ng mangagawa lalo’t ayon umano sa mga ekonomista ay aabot pa ang pagtaas ng inflation hanggang sa susunod na taon

Giit ng labor group, kung hindi pa rin mabibigyan ng umento sa sahod ang mga mangagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate, maaari aniya itong makaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Bukod sa dagdag sahod, panawagan din ng grupo na magkaroon ng ayuda ang mga Pilipinong walang trabaho na lalong hirap sa buhay dahil sa kawalan ng pagkakakitaan

Sinusubukan pa ng UNTV na makuha ang pahayag ng Department of Labor and Employement (DOLE) ukol sa panawagang dagdag sahod sa mga manggagawa.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,