METRO MANILA – Patuloy na bumabangon at umuunlad ang sektor ng paggawa ayon sa Information Handling Services (IHS) Markit.
Iniulat ng isang information at analytics firm na naka-base sa London na IHS Markit noong Martes (November 2) na tumaas ang Purchasing Managers’ Index ng sektor ng paggawa sa 51 points mula sa 50.9 points noong nakalipas na buwan.
Pinakamataas ito sa loob ng 7 buwan na kung saan nakapagtala ng 52.2 points noong buwan ng Marso bago sumadsad sa 49 points noong Abril.
Ayon sa market economist ng nasabing kumpanya na si Shreeya Patel, sa unti-unting pagluluwag sa mga restriksiyon at ang demand ng mga nasa paligid ang naging susi sa bahagyang paglago ng sektor.
Sa kabilang banda ay banta aniya sa patuloy na paglago ang kakulangan ng mga raw materials, pagtaas ng presyo, at delay sa mga delivery.
Sa katunayan, ang kakulangan sa langis, packaging materials, at metal ay isa sa mga naging sanhi ng pagtaas ng input at output price noong nakaraang buwan.
Inaasahan na tataas pa sa 19.1% ang paglago sa sektor ng paggawa bago matapos ang taon.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)