Inilibing na kahapon sa isang pribadong sementeryo sa Bacolod City ang labi ni Senior Supt. Santiago Rapiz.
Si Rapiz ang pulis na napatay sa isang buy bust operation sa Dipolog City noong nakaraang linggo at umano’y kasama sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi na ito binigyan ng 21 gun salute na karaniwang ibinibigay na pagpupugay sa mga namamatay na pulis.
Ayon naman sa asawa nitong si Michelle Rapiz, pawang kasinungalingan ang mga akusasyon laban sa kaniyang asawa.
Malinis umano ang record nito at tumanggap na ito ng iba’t-ibang parangal sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Nanawagan din ito sa Pangulo at mga mambabatas na magsagawa ng senate o congressional hearing upang maimbestigahan ang pagkamatay ng kaniyang asawa.
Samantala, inihahanda na ng abogado ng Pamilya Rapiz ang mga dokumento para sa hiling na Senate o congressional inquiry.
Matatandaang una nang pinuri ni Pangulong Duterte ang mga tauhan ng pulisya na nakapaslang kay Rapiz na isa umanong ninja cop.
Sinabi rin nito na handa siyang magbigay ng reward sa mga tumugis kay Rapiz. Gayundin sa mga tauhan ng pulisya na makaka-neutralize sa kanilang mga boss na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: buy bust operation, Dipolog City, Senior Supt. Santiago Rapiz