METRO MANILA, Philippines – Makikita tuwing Miyerkules at Biyernes ang mobile library ng mga pulis na gumagala sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Iniipon ang mga batang kalye, hindi upang hulihin at dalhin sa DSWD kundi para turuan ng mabuting asal, mga aralin at maging ng personal hygiene.
Kabilang pa sa itinuturo ng mga pulis ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos, pagmamahal sa bayan, pagsunod sa batas at interes sa edukasyon gamit ang mga librong donasyon sa Manila Police District. Mayroon din silang video at ilang visual aids upang higit na maging interesado ang mga bata sa aralin. Laking pasalamat naman ng magulang ng ilang bata sa ginagawa ng mga pulis para matuto ng tamang asal ang kanilang mga anak.
Ayon sa opisyal na nag-umpisa ng mobile library, na si District Mobile Force Battalion Chief PSupt. Rex Arvin Malimban, kauumpisa pa lamang nila noong ika-24 ng Oktubre at nais nya sanang maging bahagi na ng programa ng PNP ang pagtuturo sa mga batang kalye.
Aniya, layon nito na hubugin ang disiplina ng mga kabataan upang hindi maging sakit ng lipunan.
“Nag-ugat po ito don sa mga issue ng mga kabataan na nagba-viral, umaakyat sa jeep para mang-snatch. ‘Pag nakukuha natin ang mga kabataan, majority are minors so siyempre isinu-surrender natin yan sa DSWD.,,Ibabalik sa pamilya nila o sa barangay nila, so, paulit-ulit lang ang process. Nag-isip kami ng paraan kung paano kami makaka-interact sa kanila,” ani Chief PSupt. Malimban.
Pabor naman ang pamunuan ng pnp na gawin sa buong bansa ang pagtuturo ng mga pulis.
“That’s one good practice para makatulong sa mga batang nasa streets lang at wala silang kakayahan o their parents na papuntahin sa mga school. At least para makatulong man lang tayo sa mga kabataan, kung pwede natin magawa ‘yan sa Mindanao ay gagawin natin,“ pahayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
Ayon sa mga pulis na nagtuturo, maraming pangarap din ang mga bata lansangan. Ang kailangan lang ay ang tamang gabay at tulong ng mga nakatatanda upang hindi maligaw ng landas at maging problema ng lipunan.
Tags: Manila Police District, mobile library, PNP, police, Roxas boulevard