Deadliest police station sa Quezon City, ito ang bansag ng International News Agency na Reuters sa QCPD Station 6 o ang Batasan Police Station sa inilabas nitong special report kaugnay sa mga napapatay sa war on drugs ng pamahalaan.
Batay umano sa pagsisiyat nito sa mga opisyal na record ng istasyon, isandaan at walong drug personalities ang napatay ng station 6 police officers mula July 2016 hanggang June 2017.
Tatlumpu’t syam na porsyento umano ito ng bilang ng mga napatay sa war on drugs sa buong Quezon City sa panahon iyon na nasa 280.
Halos lahat umano sa mga nasawi sa mga operasyon ay isinagawa ng anti-drug unit ng station 6 na binubuo ng sampung pulis na nalipat mula sa Davao City, ang tinatguriang “Davao Boys”.
Kasama na rito ang dating police chief ng station 6 na si Police Superintendent Lito Patay. Sinagot naman ito ni Quezon City Police Chief Supt. Guillermo Eleazar at sinabing hindi dapat sisihin ang mga pulis Davao na nai-assign sa station 6 kung bakit marami ang napapatay dito.
Aniya, nagkataon lang na sa area ng Batasan Hills at iba pang brgy. na sakop ng station 6 ay talamak talaga ang droga at maraming nasasangkot dito.
Inamin naman si PNP Chief General Ronald Bato Dela Rosa, na siya ang nagtalaga kay Patay sa station 6 dahil sa tindi umano ng kalakaran ng iligal na droga sa lugar.
Dagdag pa ni Dela Rosa, binibigyan lamang umano ng malisya ang isyu dahil galing sa Davao ang mga pulis.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )
Tags: most lethal drug unit, pulis Davao, REUTERS