“PUJ Phase out drill” planong isagawa ng mga transport group

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 1505

MON_PHASE-OUT-DRILL
Kung merong tinatawag na Earthquake drill, isang PUJ Phase out drill naman ang planong isagawa ng ilang transport group.

Nangangahulugan itong isang araw na hindi papasada ang mga pampublikong sasakyan upang iparamdam ang epekto kung tuluyang ipe-phase out simula sa Enero mga lumang pampasaherong jeep na nasa labinlimang taon nang pumapasada.

Ayon sa mga transport group, wala pang kakayahan sa ngayon ang karamihan ng mga jeepney driver upang makabili ng mga bagong sasakyan.

Bunsod nito, nanganganib na mawalan ng hanap buhay ang libo libong jeepney driver kapag ipinatupad na sa susunod na taon ang modernization program ng pamahalaan.

Papalitan ang mga lumang jeepney ng mga bago at modernong sasakyan na Euro 4 compliant na alinsunod sa clean air act ng Department of Environment and Natural Resources.

Ayon sa Department of Energy, tuloy na ang mandatory implementation ng Euro 4 para sa mga sasakyan sa susunod na taon.

Ibig sabihin, ang mabibiling diesel, gasoline at petrolyo sa mga gasoline station ay mga euro 4 fuels na mas mahal kumpara sa mga nabibiling petroleum products ngayon.

Batay sa isang memo na inilabas ng DOTC, simula enero sa susunod na taon ay magkakaroon muna ng voluntary basis sa unang taon sa sinomang gustong magpalit ng sasakyan.

Subalit ayon sa Deparment of Transportation and Communication, 2017 pa nila ipatutupad ang mandatory phase out sa mga lumang jeep.

Kung maipatutupad ang modernization program, mas magagandang pampublikong sasakyan ang makikita sa mga lansangan gaya ng mga jeep na mayroong gps at speed limiter.

(Mon Jocson/UNTV Correspondent)

Tags: ,