Kasabay ng nararanasang madalas na pag-ulan ay muling nagpaalala sa ating mga kababayan ang Department of Health sa mga sakit na maaaring makuha sa pagbabago ng panahon.
Sa isang pulong balitaan sa Western Visayas, sinabi ng DOH na kabilang sa mga sakit na nauuso ngayong tag-ulan ay ang leptospirosis, dengue at influenza.
Nariyan din ang water-borne diseases na diarrhea, cholera, typhoid fever at hepatitis-a na karaniwang nakukuha mula sa mga kontaminadong tubig.
Sa ulat ng doh mula January hanggang May 21 2016, nasa 3,066 ang kaso ng dengue habang 35 ang kaso ng diarrhea sa Region 6.
41 naman ang influenza cases at 35 ang kaso ng leptospirosis na may limang nasawi.
Posibleng tumaas pa ito kapag bumuhos ang malalakas na ulan na dala ng hanging habagat.
Ayon sa DOH, dapat iwasang lumusong sa baha lalo na kung may sugat at pakuluan ang tubig ng dalawa hanggang tatlong minuto bago ito inumin o gamitin sa pagluluto.
Magkaroon ng proper hygiene at takpan ang bibig kung babahing o uubo upang huwag makahawa sa iba.
Nanawagan rin ang DOH sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)
Tags: mga sakit, panahon ng tag-ulan, publiko