Publiko, namangha sa Super Blue Blood Moon na nasilayan kagabi

by Radyo La Verdad | February 1, 2018 (Thursday) | 7935

After 36 years, nasaksihan muli sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo ang tatlong pambihirang lunar event na tinatawag na Super Blue Blood Moon.

Kaya naman maraming mga kababayan natin ang talagang nag-abang sa pambihirang phenomenon na ito. Umabot din sa halos isanlibo ang mga dumagsa sa UP PAGASA Observatory sa Quezon City Cirle upang samantalahin ang offer na public viewing ng PAGASA.

Pitong high-end telescope ang nagamit ng mga astronomy enthusiasts na dumayo sa sa lugar, bukod pa sa special goto telescope, ang pinakamalaking teleskopyo sa buong Pilipinas.

Ang iba, may dala ring sarili nilang teleskopyo na ginamit upang pagmasdan ang buwan. Mayroong kasama ang pamilya, mayroon namang kalalabas lang ng eskwela.

Dumagsa rin ang daan-daang millenials sa isang free viewing ng Manila Street Astronomers sa North Edsa.

Sa Albay, pansamantalang naalis ang pangamba ng mga residente sa panganib ng nag-aalborotong Bulkang Mayon dahil sa ganda ng lunar phenomenon na kanilang nasaksihan. Hindi na mahulugang karayom ang Legazpi, Boulevard dahil sa dumagsang expectators.

Samantala, bagaman maulap sa Davao City, inabangan pa rin ng mga dabawenyo ang kamanghamanghang buwan.

Ayon kay Mario Reymundo, chief ng PAGASA Astronomical Observatory, 100 percent na nasaksihan sa malaking bahagi ng bansa ang Super Blue Blood Moon. Naging maulap man sa ibang lugar, wala umanong dapat ipag-alala.

Ayon sa PAGASA, mamamalas uli ang ilan sa lunar phenomenon ngayong taon, hindi nga lang magkakasabay tulad kagabi.

Sa Marso ay muling magkakaroon ng Blue Moon at sa Hulyo naman ay makakakita uli ng Blood Moon o total lunar eclipse sa Pilipinas.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,