Publiko, muling pinayuhan ng PNP na mag-ingat sa modus operandi ng mga kawatan ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | December 14, 2016 (Wednesday) | 6516

lea_cruz
Muling pinaalalahanan ng Police Community Relations Group ang publiko na mag-ingat sa mga kawatan na maaaring sumalakay ngayong holiday season lalo na sa mga matataong lugar.

Ayon kay PCRG Director PSSupt. Gilbert Cruz, kung abala ang publiko sa pamimili ay abala din ang mga masasamang loob tulad ng mangdurukot, snatcher, at mga miyembro ng salisi at laslas gang sa pagsasagawa ng kanilang masasamang intensyon sa iba’t ibang estilo.

Kaya payo ng opisyal sa publiko, iwasan na ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas, pagdadala ng maraming pera kung pupunta sa mga matataong lugar gaya ng tiangge at night market upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw.

Payo rin ng pulisya sa mga mamimili na mag-ingat sa modus operandi ng mga manlolokong tindera upang huwag madaya sa kalidad at timbang ng binibiling produkto.

Kung balak namang mag-bakasyon o umalis ng bahay, seguruhing nakasara ng maayos ang mga pinto at bintana ng bahay upang huwag mabiktima ng akyat-bahay gang.

Tanggalin rin sa saksakan ang appliances upang hindi masunugan subalit iwanang bukas ang ilaw upang hindi halata na walang tao sa loob ng bahay.

Tiniyak naman ni PSSupt. Cruz na 24/7 na nakabantay ang mga tauhan ng PNP sa mga mall, terminal, pamilihan at places of worship simula sa biyernes bilang bahagi ng ipinaiiral na full alert status.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,