Muling nagpaalala sa publiko ang Department of Health hinggil sa mga sakit at kondisyon na maaaring makuha ngayong tag-init na sinabayan pa ng El Niño. phenomenon.
Kabilang sa mga ito ay ang sore eyes, flu, diarrhea, pagsusuka, heat stroke, rabies at mga sakit sa balat.
Pinag-iingat rin ng health office ang ating mga kababayan na may chronic diseases gaya ng sakit sa puso at diabetes; mga buntis at mga matatanda dahil mas prone sila sa pagtaas ng presyon o kaya’y pagbaba ng sugar levels kapag masyadong mainit ang panahon.
Dapat ring ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig at pag-iwas sa pagbibilad ng matagal sa araw.
Dapat namang iwasan ang pag-inom ng tsa-a, kape, soda o alcoholic beverages kapag mainit ang panahon dahil diuretic ang mga ito at mas lalong nakaka-uhaw.
Ugaliin ring maligo kada araw, palakasin ang resistensya at magkaroon ng sapat na pahinga.
Ngunit ang pangunahin ay ang pagkakaroon ng disiplina at pag-iingat sa sarili gayundin ang malasakit sa kapwa na maaaring makaranas ng summer diseases.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)