Publiko, hinikayat na direktang magsumbong sa DepED kapag may nakitang mali sa learning materials

by Erika Endraca | October 14, 2020 (Wednesday) | 6470

METRO MANILA – Hindi kuntento ang Department of Education (DepED) sa mga impormasyon na ipinakakalat sa social media kaugnay sa mga umano’y mali sa learning materials na ipinamahagi ng DepED.

Ayon kay DepED Undersecretary Alain Pascua, nais nilang makatanggap ng report direkta mula sa mga netizen. Kaugnay nito, inilunsad ng kagawaran ang DepED error watch gamit ang iba’t-ibang online platforms.

Dito maaaring magsumbong o magreport ang publiko sa posibleng mali sa learning materials ng mag-aaral tulad ng modules at broadcast lessons upang maitama agad. Idirekta ang sumbong sa kinaukulang opisyal o opisina ng deped sa pamamagitan ng pag-email sa errorwatch@deped.gov.ph o magpadala ng mensahe via text, viber o kaya work chat.

“We are not contented with seeing the reports in the different social media platforms, we would rather have direct reports coming from the citizens going to our officers so that we can act on them. Iba kasi yung iba na nagrereport ng mga mali eh hindi naman dahil gustong tulungan ang pagko-correct ng mga mali na yan” ani DepED Undersecretary Alain Pascua.

Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones, kabilang sa hamon na hinaharap nila sa ngayon ay ang fake news at kumakalat na erroneous self-learning modules na sinasabing galing sa DepED.

“Pagharap nitong mga maling balita, mga paninira ng mga maliliit na grupo na napi-pick up naman sa social media at kahit maliit sila konti sila nakaka-damage sila sa credibility ng institution” ani DepED Secretary Leonor Briones.

Samantala, mayroon nang makatutulong ang DepED mula sa private sector at academe pagdating sa quality assurance ng kanilang learning materials.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,