Publiko, binalaang huwag maging kampante sa pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa

by Radyo La Verdad | October 8, 2021 (Friday) | 2519

METRO MANILA – Kinumpirma na ng Department Of Health (DOH) na pababa na ang daily COVID-19 cases sa Pilipinas at hindi artificial decline.

Kahapon, nasa 10,019 ng karagdagang kaso ng impeksyon.

Subalit nagbabala si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa publiko na wag magpakampante.

Ayon sa opisyal, kinakailangan munang tukuyin at i-analisa ng DOH ang lahat ng factors kabilang na ang pagbaba sa RT-PCR tests na isinasagawa sa buong bansa bago tuluyang kumpirmahin ang pagbaba ng mga kaso.

“So kapag tinignan ho natin with all of these factors validated at napag-aralan, we are confirming that the cases are declining pero hindi po ito senyales para tayo ay maging complacent. Alalahanin po natin na bagama’t bumababa ang ating mga kaso, ang atin pong mga ospital ay mayroon pa rin pong mga pagkapuno.” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.

Samantala, inalisa naman ng DOH ang indicators at ang proseso na ginamit ng COVID-19 recovery index ng Nikkei Asia kung saan nasa huli ang Pilipinas.

Ayon kay Usec. Vergeire, isinagawa ng financial newsmagazine ang report sa kasagsagan ng COVID-19 surge sa bansa noong Setyembre dahil sa delta variant at ang ibang bansa, nakalampas na sa outbreak.

“They compared ito pong pagtaas ng infection rate when in fact di pare-pareho ang time periods ng pagtaas ng kaso sa bawat bansa. Pangalawa po, yung atin pong pagbabakuna naging eratic din po this September because of the supplies of course yung ating access, naapektuhan din naman dahil sa pagtaas ng kaso” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.

Nakabatay ang recovery index ng Nikkei sa infection management, vaccine rollout at social mobility ng isang bansa.

Inilabas ang report isang linggo matapos ang COVID Resilience ranking ng bloomberg kung saan pinakahuli rin ang Pilipinas sa 53 bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: