Excited na ang maraming taga-Davao para sa inagurasyon bukas ng dating ama ng lungsod at ngayo’y susunod na pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte.
Kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa na Mindanaowon ang uupo sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaan kaya kani-kaniya sila ng diskarte upang mapanood ang inagurasyon.
Ngunit para sa mga walang sariling telebisyon o kaya ay nasa labas sa oras ng inagurasyon, maaari silang pumunta sa Bankerohan public market sa Davao city dahil may bubuksan ditong public viewing.
Isang malaking white screen ang itatayo sa palengke upang makapanood ang maraming vendor.
May ibibigay ring libreng meryenda para sa unang limampung indibidwal na maagang pupunta sa viewing area.
Umaasa ang mga supporter ni Duterte na magtatagumpay ang bagong administrasyon sa mithiing masawata ang krimen at iligal na droga at mai-angat ang pamumuhay ng mga mahihirap na Pilipino.
Paalala naman sa publiko, may pasok bukas dahil hindi naman idineklarang holiday ng Malacanang ang inagurasyon nina incoming Pres. Duterte at Vice Pres. Leni Robredo.
(Janice Ingente / UNTV Correspondent)
Tags: Bankerohan public market, Davao City, incoming President Rodrigo Duterte, Public viewing