Public transportation, hindi dapat ginagawang hanapbuhay ayon sa DOTr

by Radyo La Verdad | September 19, 2018 (Wednesday) | 7809

Kaya hindi nagiging mabisa ang public transportation system sa bansa ay dahil ginagawa itong source of income o hanapbuhay ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Mark De Leon, batay sa isinasaad ng batas, ang may kakayahang pinansyal ang dapat na pinagkakalooban ng prangkisa para sa land transportation services.

Mahalaga aniya ang financial capability sa public transport system lalo na sa usapin ng maintenance at insurance ng sasakyan.

Kaya hinihikayat din ng DOTr ang mga jeepney driver na maapektuhan ng public utility modernization program na bumuo ng kooperatiba na pagkakalooban ng prangkisa ng pamahalaan.

Ngayong 2018, may inihandang pondo ang pamahalaan para bigyang ayuda ang nasa 20 thousand jeepney drivers na apektado ng PUV modernization program. Bahagi lang ito ng nasa 170 thousand jeepney operators o franchise holders.

Samantala, sinabi rin ng DOTr na unfit na o hindi na akma ang jeepney na maging icon ng public transportation sa bansa kundi ang isinusulong na modern public utility vehicle. Dahil ang lumang disensyo aniya ng jeepney ay inefficient na at mas mahal ang halaga ng reproduction.

Samantala, ayon naman kay Zeny Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, paanong magiging financial capable ang mga driver at operator ng jeep ngayon kung napakahirap na ng buhay sa Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,