Public hearing para sa Proposed Bangsamoro Basic Law, isasagawa sa Zamboanga City at Jolo, Sulu

by Radyo La Verdad | May 11, 2015 (Monday) | 2728

BONGBONGMARCOS_BOI

Muli nang itutuloy ng Senate Committee on Local Government ang pagsasagawa ng public hearing sa ilang bahagi ng Mindanao kaugnay ng isinusulong na Bangsamoro Basic Law.

Bukas ng umaga, sisimulan ang pagdinig sa Jolo, Sulu habang sa huwebes naman isasagawa sa Zamboanga City.

Magugunitang noong Enero, pansamantalang ipinagpaliban ang public hearing sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na SAF Commandos.

Ayon sa pinuno ng komite na si Sen. Bongbong Marcos, ngayong natapos na ang imbestigasyon sa mga sangkot sa engkuwentro ay maaari nang ituloy ang pagdinig sa panukala upang malaman ang pananaw rito ng mga Mindanawon.

Kaugnay nito, nanawagan si Zamboanga City Mayor Beng Climaco sa lahat ng sektor na dumalo sa pagdinig upang ihayag ang kanilang saloobin sa panukala.

Ngunit paglilinaw ng alkalde, nananatili pa rin ang kanyang paninindigan na huwag isama ang Zamboanga City sa binubuong teritoryo ng Bangsamoro political entity.

Umaasa rin si Climaco na sa pamamagitan ng konsultasyon ay maririnig ang boses ng mga mamamayan na matagal nang umaasa sa tunay at pangtagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.

Sa huli, hiling ng Zamboanga City Government sa kongreso na tiyaking nakasunod sa saligang-batas ang Bangsamaro Basic Law na sinasabing susi para matamo ang kapayapaan sa muslim Mindanao.

Tags: , ,