Public Display of Affection, ipinagbabawal na ng PNP

by Erika Endraca | March 11, 2021 (Thursday) | 8905

METRO MANILA – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko para sa mga mahilig makipag beso-beso, makipag-holding hands at makipag-yapakan.

“So PDA, yung hawak hawak sisitahin na rin yan. Dati naman sinisisita yan pero ngayon kasi medyo nagluwag tayo but ipagpapatuloy natin yan” ani PNP Chief, PGen Debold Sinas.

Para mapababa umano ang Covid-19 cases, naisipan ng Philippine National Police (PNP) na sitahin ang mga nagpapakita ng physical affection sa mga pampublikong lugar.

Hindi lang ang mag asawa at in a relationship ang sisitahin ng mga pulis kundi maging ang iba pang magkakamag-anak at magkaka-iibigan.

Katwiran ng PNP, kahit sino ay pwedeng magdala ng virus kaya kailangang maging maingat.

Bunsod nito, ipinag utos na ni PNP Chief PGen. Debold Sinas sa mga tauhan na sitahin ang mga nagsasagawa ng Public Display of Affection (PDA).

Mahigpit nababantayan ng mga pulis ang ang mga matataong lugar partikular na ang malls, restaurants at parks.

Muli, ipinaalala ng PNP sa publiko ang pagsunod sa health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.

Sa ganitong paraan aniya, maipapakita ang pagmamahal sa ating pamilya, kamag anak at mga kaibigan .

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,