Naniniwala si AFP Chief of Staff General Carlito Galvez na kailangan muna ng public consultation bago ituloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa mga komunista.
Paliwanag ni Galvez, may mga mahahalagang mga isyu na napag-usapan sa backchannel negotiations ng GRP at NDF na kailangang isanguni sa publiko.
Sinuportahan din ni Galvez ang sinabi ng Pangulong Duterte na kailangan muna niyang pag-aralan ang mga probisyon sa napagkasunduang stand-down agreement ng magkabilang panig na magiging epektibo dapat sa ika-21 ng Hunyo bago ang resumption ng peace talks.
Magugunitang ang pangulo ang mismong nag-utos na huwag munang ituloy ang usapang pangkapayapaan na itinakda sana sa ika-28 ng Hunyo.
Nito lamang Miyerkules, pinulong ng pangulo ang pinakamatataas na security officials ng bansa, pero hindi idetalye ni Galvez ang detalye ng mga napag-usapan.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )