Inaresto na ng mga otoridad si Police Superintendent Rafael Dumlao kaugnay ng kasong pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Iniharap si Dumlao kanina sa Angeles Regional Trial Court Branch 58 sa Pampanga para sa return of warrant.
Nahaharap sa kasong kidnapping and serious illegal detention si Dumlao at walang inirekomendang piyansa ang korte para rito.
Si Dumlao ay una nang itinuro na mastermind sa krimen ng pangunahing suspek sa kaso na si SPO3 Ricky Sta. Isabel.
(Grace Casin)
Tags: Jee Ick Joo, Korean businessman, P/Supt. Rafael Dumlao
Hinihiling ni Police Superintendent Rafael Dumlao na ma-dismiss ang mga reklamo sa kanya kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Sa isinumiteng counter affidavit sa Department of Justice, nanindigan si Dumlao na hindi niya iniutos ang pagpatay sa biktima at wala siyang kinalaman sa ‘operasyon’ ng grupo ni SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Pilit lamang umano siyang isinasali dito nina Sta.Isabel at dating NBI NCR Chief Atty. Ric Diaz na nakausap niya sa telepono nung October 18, nang araw na dinala sa Camp Crame ang biktima.
Nanahimik lang din umano siya sa insidente dahil pinagbantaan umano ni Sta. Isabel na papatayon ang kanyang asawa at anak.
Itutuloy ng DOJ panel ang preliminary investigation sa mga kasong kidnapping for ransom with homicide, robbery at carnapping sa darating na Biyernes kung kailan inaasahang magsusumite ng kanilang counter affidavit ang tatlong mga opisyal ng NBI na idinadawit din sa krimen.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Jee Ick Joo kidnap-slay case, P/Supt. Rafael Dumlao, reklamo
Tukoy na PNP-Anti-Kidnaping Group ang umano’y dalawa pang mastermind sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Subalit tumanggi muna si PNP-AKG Acting Director PS/Supt.Glen Dumlao na pangalanan ang mga ito upang hindi makaapekto sa kanilang gingawang imbestigasyon.
Natuklasan din ng akg na murder ang tunay na motibo sa pagdukot sa Korean businessman dahil sa umano’y pagtanggi nitong magbigay ng pera sa mga suspek.
Nakatakda namang ibigay ng AKG sa Department of Justice ang mga impormasyong kanilang nakalap para sa isasagawang joint investigation.
Sa February 26, sisimulan na ang preliminary investigation sa kaso ni Jee Ick Joo sa DOJ habang nagpapatuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Korean National Police kaugnay ng insidente.
(Grace Casin / UNTV Correspondent)
Tags: Jee Ick Joo, mastermind, pagpatay, PNP-Anti-Kidnaping Group