Provincial bus operators, pabor sa panukalang gawing point to point ang kanilang biyahe sakaling payagan nang makabalik ng IATF

by Erika Endraca | September 17, 2020 (Thursday) | 3890

METRO MANILA – Sa 81 probinsya na kinausap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ukol sa pagbabalik operasyon ng mga provincial bus na nangagaling sa Metro Manila.

4 lamang sa mga ito ang pumayag na magpapasok ng mga taga Maynila, dahil pa rin sa banta ng COVID-19. Ito ang Antique, Quirino, Isabela at Bataan.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, patuloy ang kanilang ginagawang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan ukol sa biyahe ng provincial buses.

At isa aniya sa iminumungkahi ng mga lokal na opisyal ay ang gawing point to point ang biyahe ng mga bus, dahil sa magkakaibang polisya sa ibang mga probinsya.

“Hindi lang po yung kung saan bibiyahe,saan pupunta at saan din po dadaan, kaya nga po yung sinabi ng leaugue kung papayagan man na bubukas yung isang probinsya let’s say northern luzon at yung mga probinsya na daraanan hindi pa papayag, hindi rin pwede yung may bus stops along the way so they are suggesting na parang point to point po yung pagbi-biyahe”. ani LTFRB Chairman Martin Delgra.

Sinangayunan naman ito ng provincial bus operators association.
Sa isang text message sinabi ng presidente ng asosasyon na si Alex Yague, na payag silang gawing terminal to terminal ang biyahe ng provincial buses.

Pero nagbanta rin ito hinggil sa posibilidad na lalo pang kumalat ang virus kung magpapalipat pa ng sasakyang bus ang mga pasahero bago makarating sa kanilang destinasyon.

Samantala ayon sa LTFRB, posible na umanong maibalik ngayong buwan ang biyahe ng provincial buses na nagmumula ng Metro Manil.

Nauna nang umapela sa pamahalaan ang samahan ng provincial bus operators na payagan na silang muling makabiyahe, kahit pa limitado lamang ang kanilang operasyon.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,