METRO MANILA – Malaki na rin ang pagkalugi ng mga provincial bus operator dahil sa walang-tigil na oil price hike kaya hihiling na rin ang mga ito ng taas-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa presidente ng provincial bus operators association of the Philippines na si Alex Yague, binabalangkas na nila ang pormal na petisyon na posibleng ihain ngayong linggo.
Isinasapinal na lamang kung magkano ang hihingin nilang fare increase na naglalaro sa P0.30 – P0.50 kada kilometro batay sa inisyal nilang pag-uusap.
Bukod sa gastos sa diesel, problema na rin sa ngayon ng mga provincial bus companies ang nagtaasang toll sa mga expressway at gastos para sa umento sa sahod ng kanilang mga empleyado.
Para sa ilang mga pasahero, makatarungan lamang kung hihiling rin ng dagdag pasahe ang provincial buses dahil wala rin naman anilang magagawa ang mga driver at operator.
Samantala, kahit inaprubahan na ng LTFRB ang P1 provisional fare increase sa mga jeepp, daing ng transport group na Pasang Masda, lugi na naman ang kanilang kikitain sa pamamasada dahil sa panibagong taas presyo sa mga produktong petrolyo.
Kahapon (June 14), higit P4 na naman ang itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel, habang higit P2 naman ang sa gasolina.
Ayon sa presidente ng grupo na si Obet Martin, kung hindi papayagan ng LTFRB ang P5 dagdag pasahe, kahit man lang sana P2 ay mapagbigyan sila.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na target nilang tapusin ang pagdinig sa lahat ng nakabinbing fare hike petitions bago mag-June 30.
Gayunman hindi nila matiyak kung maaprubahan nga ba ang mga ito o kung ipauubaya na lamang ang desisyon sa susunod na administrasyon.
(JP Nunez | UNTV News)
Tags: fare hike petition, provincial bus