Provincial bus operators, kontra sa planong paglilimita ng MMDA sa oras ng pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA

by Radyo La Verdad | July 3, 2018 (Tuesday) | 2974

Ipatutupad na simula sa ika-15 ng Hulyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang paglilimita ng mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA. Bawal na ang mga ito tuwing rush hour sa Edsa mula Cubao hanggang Pasay City.

Sa pagtaya ng MMDA, aabot sa dalawang libong bus ang mawawala sa Edsa kapag naipatupad ang bagong batas trapiko.

Kaugnay nito, exempted na sa number coding scheme ang lahat ng mga provincial bus. Subalit tutol dito ang Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP).

Ayon kay Alex Yague, ang executive director ng samahan, lubhang magiging pahirap para sa mga pasahero ang planong ito ng MMDA.

Para sa kanila, mas makabubuti na pairalin pa rin ang kasalukuyang sistema kung saan nasa 1,600 na provincial bus ang hindi bumibiyahe kada araw dahil sa number coding scheme.

Payo ng MMDA sa mga bus operator, planuhin ng mabuti ang oras ng kanilang mga biyahe upang makasunod sa bagong traffic scheme. Pero ayon sa mga operator, magiging kumplikado rin ito sa mga pasaherong sasakay pa ng ibang uri ng transportasyon.

Layon ng bagong traffic scheme na bigyang-daan ang mga gagawing flood control projects, pagsasaayos ng Buendia bridge, at ang kontruksyon ng elevated guideway ng MRT-7 sa iba’t-ibang bahagi ng EDSA.

Ngayong araw isusumite ng provicial bus operators ang kanilang position paper sa MMDA.

Habang isang dry run naman ang planong isagawa ng MMDA sa susunod na linggo upang makita ang inisyal na magiging epekto sa trapiko ng bagong polisiya.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,