Protocols sa pagresolba sa avian flu outbreak, posibleng baguhin – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | September 5, 2017 (Tuesday) | 2432

Tiniyak ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na kontrolado na nila ang posibleng pagkalat pa sa bansa ng Avian flu. Imposible rin aniya na kumalat pa ito sa Visayas at Mindanao dahil sa ginagawang paghihigpit sa mga pantalan at pinaigting na monitoring ng mga farm sa bansa.

Sa budget hearing ng DA sa Senado kahapon, sinabi nitong sa ngayon ay pinag-aaralan na ng DA na baguhin ang mga protocol sa pagresolba sa ganitong klase ng outbreak.

Sa kasalukuyang panuntunan, kinakailangang patayin ang lahat ng manok o mga naapektuhan ng bird flu sa loob ng 1 kilometer radius mula sa apektadong farm.

Para naman sa United Broiler Raisers Association, bukas sila sa hakbang na ito ng DA upang makasabay sila sa international standards at umaasa silang makababawi na sa pagkalugi dahil sa bird flu virus.

Kaugnay nito, nais ni Senate Committee on Agricultire and Food Chair Senator Cynthia Villar na paglaanan ng malaking budget ang livestock industry dahil sa naging epekto sa kanilang industriya ng bird flu virus.

Bukas naman si Secretary Pinol sa naturang panukala.

 

(Nel maribojoc / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,