METRO MANILA – Humarap na kahapon (July 4) sa flag raising ceremony si Secretary Erwin Tulfo bilang bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dito nya inilatag ang mga programang nakatakdang tutukan ng ahensya sa ilalim ng kaniyang liderato.
Ayon kay Secretary Tulfo, isa sa mga nais nyang magawa ang pabilisin pa ang proseso sa mga programa ng ahensya na nakasentro sa pagtulong sa mga mahihirap nating kababayan.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Secretary Tulfo na sususpendihin sa trabaho ang mga empleyado na maire-report na nagsusungit, sinisigawan at pinagagalitan ang mga dudulog sa DSWD.
Inanunsyo rin ng kalihim na pinirmahan nya ang extension sa trabaho ng mga empleyado ng DSWD na nagtatrabaho sa ilalim ng contract of service.
Dahil dito, aabot pa ang kanilang pananatili sa trabaho hanggang sa katapusan ng taon.
Samantala, makatatanggap na ng tig-P500 na buwanang ayuda ang nasa 12.4 million na mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa ilalim ng targeted cash transfer program ng DSWD.
Ito ang ayuda na naunang inilatag sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang tulungan ang mga Pilipino na lubhang apektado ng pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin dahil sa hindi maawat na oil price hike.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: cash assistance