METRO MANLA – Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na isasapinal na ng Interagency Task Force kontra COVID-19 ang magiging procedure sa pamamahagi ng Ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Paje, dedepende rin ang pagsisimula ng 2nd tranche sa SAP kung gaano kabilis na matatapos ang mga Local Government Unit (LGU) sa pagkumpleto ng kanilang distribusyon ng unang bugso ng ayuda at pagsumite ng liquidation report nito sa DSWD.
Sa huling tala ng ahensya, nasa 1,479 LGU’s na sa bansa ang nakakumpleto ng pay-out sa kanilang mga benepisyaryo ngunit 44% pa lamang sa mga ito ang nakapagsumite ng liquidation report sa DSWD na dadaan naman sa validation process ng DSWD.
Dagdag ng ahensya, dapat mabigyang-prayoridad sa distribusyon ang 5-M nasa waitlist na mga kwalipikadong benepisyaryo ng sap ngunit hindi nakatanggap sa unang bugso ng ayuda.
Nais ng ahensya na maakapagsimula sa pamamahagi ng ikalawang bugso ng sap bago matapos ang Mayo.
Bukod sa paggamit ng electronic payments at “relief agad” mobile app, magiging katuwang na ng DSWD ang mga miyembro ng pulisya at militar sa pamamahagi ng sap upang mapabilis na aniya ang pamamahagi ng ayuda.
(Harlene Delgado | UNTV News))
Tags: IATF, SAP, Second Tranche