Proseso sa paghahalal ng house minority leader, kukuwestiyunin sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 28, 2016 (Thursday) | 2520

baguilat
Opisyal nang nahalal bilang minority leader si Quezon Rep. Danilo Suarez.

Sa botohang ginawa kahapon, 22 kongresista ang bumoto kay Suarez at tatlo ang nagabstain.

Hindi dumalo sa ipinatawag na minority meeting ang katunggali ni Suarez sa minority leadership na si Ifugao Rep. Teddy Baguilat at ang 6 na kongresistang bumoto sa kanya.

Ito’y dahil hindi nila kinikilala ang pagiging minority leader ni Suarez at iginiit na sila ang tunay na nanalo sa botohan.

Wala rin silang planong makipag-sanib puwersa kay Suarez.

Batay sa tradisyon sa lower house, ang makakakuha ng pangalawang pinaka mataas na boto ang otomatikong magiging minority leader ngunit ipinag-utos ng majority leader na dapat nang magkaroon ng panibagong botohan para dito

Dahil sa ginawang pagbabago, planong iakyat sa Korte Suprema ng grupo ni Rep. Teddy Baguilat ang para sa kanila ay kuwestyonableng proseso ng botohan sa minority leadership.

Nanindigan naman si Suarez na sinunod nila ang rules ng kongreso sa pagkakahalal sa kanya bilang minority leader.

(Grace Casin/UNTV Radio)

Tags: