Proseso sa pag-iisyu ng mga passport, mas mapapabilis na sa pagbubukas ng bagong printing plant sa Batangas

by Radyo La Verdad | July 20, 2015 (Monday) | 1468

PNOY
Pinasinayaan ni Pangulong Benigno Aquino III sa Lima Park Technology Center sa Malvar, Batangas ang bago at kauna-unahang high security printing plant na gagawa ng bagong electronic o E-passport ng Department of Foreign Affairs.

Ang planta ay io-operate ng Government-controlled company na Apo Production Unit.

Si Pangulong Aquino ang nakakuha ng kauna-unahang bagong e-passport matapos siyang sumailalim sa live demonstration ng proseso sa pagkuha ng pasaporte;

Kabilang na rito ang enrollment, biometrics data capture, biographical data input at facial recognition.

Matapos isailalim sa verification ay natapos na agad ang buong proseso sa loob lamang ng dalawang minuto at nai-print na ang bago niyang e-passport.

Sa ilalim ng bagong sistema, inaasahang mas mapapabilis na ang pag-iisyu ng mga passport dahil ang dating labinlimang araw na regular na pagkuha nito ay magiging sampung araw na lang.

Ang express passport naman ay maaari na ring makuha sa loob ng limang araw mula sa dating pitong araw.

Ang bagong e-passports ay mayroong bagong security features gaya ng security micro-chip at hidden encoded image upang hindi agad makopya.

Makikita rin sa bawat pahina nito ang larawan ng kultura at kasaysayan ng pilipinas pati na ang iba’t ibang lugar sa bansa.

Bukod sa mas mabilis na pag-iimprenta, inaasahan ring mas makatitipid sa gastos ang pamahalaan dahiil hindi na mangangailangan ng human intervention ang printing ng e-passports.

Umaasa si Pangulong Aquino na sa pamamagitan ng sistemang ito ay masosolusyunan na ang problema sa mabagal na proseso sa pagkuha ng pasaporte.

Target simulan sa enero 2016 ang paggamit ng bagong e-passport system.

Tags: , ,