Proseso para sa 2nd round of bidding ng refurbishment ng PCOS Machines sinimulan na ng Comelec, budget para sa kontrata tumaas

by Radyo La Verdad | July 14, 2015 (Tuesday) | 934

comelec
Naglabas na ng abiso ang Comelec Special Bids and Awards Committee 2 kaugnay ng pagsisimula ng proseso ng second round ng bidding para sa refurbishment ng mga lumang PCOS machine.

Failure ang first round bidding dahil walang nagsumite ng bid proposal noong June 30 sa tatlong kumpanya na una nang nagpakita ng interes.

Hindi nagbigay ng dahilan ang Indra Sistemas kung bakit umatras sa bidding pero ayon sa Vertex Business Application Incorporate dito ay sa dahilang binawasan ang approved budget ng kontrata isang linggo bago ang submission of bids kaya wala na itong panahon para ayusin ang kanilang dokumento.

Ang Smartmatic naman sinabing mababa ang bagong budget na 2.074 billion mula sa dating 2.88 billion pesos.

Sa bagong invitation to bid para sa second round bidding ng refurbishment ng mahigit 81,000 pcos machines itinaas na ang approved budget sa 3.130 billion pesos .

Sa bagong budget magiging 23,574 pesos na ang halaga ng refurbishment ng isang PCOS machine.

Itinakda naman ang submission at opening ng bid proposals sa August 1.

Dahil sa Agosto na ang opening of bids para sa PCOS refurbishment, atrasado rin ang timeline ng Comelec upang pagpasyahan kung alin sa 2 opsyon ang itutuloy para manatiling automated ang 2016 elections na una nang itinakda sa katapusan ng Hulyo.

Bukod sa refurbishment, kasama sa tinitingnang opsyon ng poll body ang pagkuha ng mahigit 70,000na bagong OMR machines.

Sa ngayon ang Smartmatic ang nagsumite ng lowest bid at sumasailalim na sa post qualification phase ang kanilang bid proposal.

Tags: ,