Prosekusyon vs Vote Buying, seseryosohin ngayong BSKE

by Radyo La Verdad | September 8, 2023 (Friday) | 6486

METRO MANILA – Isa sa pangunahing kanser o sakit umano ng demokrasya sa bansa ang kalakaran na tuwing may halalan sa bansa ay naglipana din ang isyu ng vote buying o pamimili ng boto.

Ito ngayon ang target masawata o matigil ng inilunsad ng Committee on Kontra-Bigay (CKB), na isang permanenteng komite ng Commission on Elections (COMELEC) na magtatrabaho ng tuloy-tuloy kahit hindi panahon ng eleksyon.

Sila ay naatasang kumuha ng mga reklamo tungkol sa vote buying hanggang sa magkaroon ng prosekusyon at hatol sa korte.

Tiniyak ng komite na hindi sila titigil hanggang may mapanagot sa vote buying na isang criminal offense.

Ang Committee on Kontra-Bigay (CKB) ay magpapatupad ng lahat ng polisiya at panuntunan ng Comelec sa pamamagitan ng whole-of-nation approach para mapigilan ang vote-buying o vote selling.

Magkakaroon ng isang Kontra-Bigay Complaint Center (KBCC) na binuo ng komite at dito maaaring mag-report o maghain ng reklamo kaugnay sa vote buying.

Sila rin ang kumuha ng mga ebidensya at magbigay tulong sa paghahanda ng reklamo, affidavit ng mga saksi at magmonitor ng mga insidente ng vote buying.

Kabilang sa maituturing na vote buying ay ang pagbibigay ng pera, mamahaling bagay, pangako ng trabaho at iba pang kahalintulad nito kapalit ang boto.

Dagdag pa ng Comelec, bibigyan din nila ng proteksyon ang mga testigo o magsisiwalat ng mga insidente ng vote buying.

Ang vote buying ay isang election offense sa ilalim ng batas pambansa bilang 881 o omnibus election code.

Kabilang sa parusa nito kapag napatutunayan ay pagkakulong anim na taon.

Tuluyang pagkadiskwalipika sa pagtakbo at paghawak ng anomang posisyon sa pamahalaan.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,