Prosekusyon, tapos nang magprisinta ng ebidensya sa kasong graft laban kay Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang akusado sa NBN-ZTE deal

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 2768

JOYCE_SANDIGANBAYAN
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan 4th division ang paglilitis sa kasong graft laban kay Congresswoman Gloria Arroyo at iba pang akusado kaugnay ng maanonamlyang NBN-ZTE deal.

Ito’y matapos bigyan ng korte ng tatlumpung araw ang kampo nila arroyo upang maghain ng kumento sa ipinasang formal offer of evidence ng prosekusyon.

Tapos na kasi iprisinta ng prosekusyon ang kanilang mga ebidensya at testigo na magpapatunay aniya sa alegasyong nagkaroon ng sabwatan sa pagitan nila Arroyo at ibang akusado upang maapruba ang National Broadband Project sa kumpanyang Zhong Jing Telecommunications Equipment o ZTE noong 2007.

Ang nasabing proyekto na nagkakahalga ng 130 million US dollars, ay naapruba sa overpriced amount na 329 million dollars.

Kabilang sa mga kapwa akusado ni arroyo ang kanyang asawa at dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo at dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos na umano’y ginamit ang kanilang posisyon at impluwensya upang maapruba ang proyekto.

Sa ngayon ay pagaaralan na ng korte kung iaadmit bilang ebidensya ang mga iprinisinta ng prosekusyon.

Ayon sa abogado ni Ginang Arroyo na si Atty. Laurence Arroyo, kumpiyansa silang walang matibay na ebidensya laban sa kanila.

Kung sakali din aniya na hindi iadmit ng korte ang mga ebidensya ng prosekusyon, maghahain sila ng mosyon para idismiss ang kaso.

Kung sakali mang ipagpatuloy pa rin ang kaso, handa rin aniya silang magprisinta ng sariling mga testigo upang mapawalang sala si Ginang Arroyo.

Kasalukuyang nakahospital arrest si Ginang Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City dahil naman sa kasong plunder kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo ng PCSO noong presidente pa siya ng bansa.

Hindi muna ipinagpatuloy ng Sandiganbayan ang paglilitis sa bisa ng Temporary Restraining Order na inilabas ng Korte Suprema.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,