Prosekusyon, nanindigang dapat ituloy ang paglilitis sa kasong graft laban kay Sen.Jinggoy Estrada

by Radyo La Verdad | June 2, 2016 (Thursday) | 8651

JINGGOY ESTRADA 031615
Maliban sa kasong plunder, nahaharap din si Sen.Jinggoy Estrada sa labing isang counts ng graft o katiwalian kaugnay ng PDAF Scam.

Ngunit hindi pa nagsisimula ang paglilitis sa mga kaso ng graft, ipinapadismiss na ito ng senador sa Sandiganbayan 5th division.

Ayon kay Estrada, napapaloob na ang mga alegasyon ng graft sa kasong plunder kayat dapat hindi na ito paghiwalayin.

Sinabi ng senador na parehong Special Allotment Release Orders o SARO pati rin ang halaga ng PDAF ang nakasaad sa impormasyon ng graft.

Kinontra naman ito ng prosekusyon.

Anila wala namang batas na nagbabawal sa pagsasampa ng dalawang magkaibang kaso sa isang krimen na ginawa, lalo na kung pasok ito sa elemento ng bawat kaso.

Giniit din ng prosekusyon na magkaiba ang kasong plunder at graft.

Sa plunder, pinapanagot nito ang akusadong nagkamal ng malaking halaga sa pamahalaan.

Habang sa graft naman, hindi kinakailangan na may ninakaw, basta napatunayan na ginamit ang pusisyon upang magbigay ng pabor, unwarranted benefit undue privilege sa isang tao, kumpanya o ano mang entity na siyang nakaapekto o nagdadala ng pinsala o kawalan sa pamahalaan.

Dahil dito, nanindigan ang prosekusyon na dapat ay huwag pagbigyan ng korte na madimiss ang graft case at managot ang senador sa dalawang kasong naisampa na laban sa kanya.

Hihintayin muna ng Sandiganbayan ang reply dito ng kampo ng senador bago magdesisyon sa mosyon.

Samantala, tinutulan din ng kampo ng prosekusyon ang isa pang hiling ni Estrada na makadalo sa kaarawan ng ina na si dating sen. Loi Ejercito sa June 4.

Ayon sa kanila, nauna nang hindi pinagbigyan ng korte ang kaparehong hiling ng senador dahil bilang isang detainee, restricted na ang kanyang mga galaw.

Hindi rin aniya ito maituturing na emergency na sitwasyon.

Tinutulan din ng prosekusyon ang pagnanais ng senador na makadalo sa mga huling sesyon ng senado mula June 6 hanggang 8.

(Joyce Balancio / UNTV Correspodent)

Tags: , ,