Proposed P5.024-T 2022 Nat’l budget, pinakamataas na pambansang pondo

by Erika Endraca | August 18, 2021 (Wednesday) | 5624

METRO MANILA – Pinakamataas na pambansang pondo sa kasaysayan ng Pilipinas ang ilalaang budget para sa taong 2022 na P5.024-T.

Katumbas ito ng 22.8% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa at 11.5% na mas mataas sa fiscal year 2021 general appropriations act na 4.506 trillion pesos.

Isinasapinal na ito para maisumite sa kongreso.

“Sa ngayon ay pina-finalize na po at pini-print ang fiscal year 2022 National Expenditure Program o nep at target na maisumite ito sa kongreso sa lunes August 23, 2021.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Pinakamataas na sektor namang paglalaanan ng pondo ang social services sector sa halagang P1.922-T kung saan nakapaloob ang health-related services at education-related programs.

Pangalawa ang economic services sector sa halagang P1.474-T kung saan nakapailalim ang infrastructure programs sa ilalim ng Build, Build, Build.

Samantala, sa usapin ng mga kagawaran na may pinakamataas na alokasyon ng pondo, education sector ang nangunguna sumunod ang Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government, Department of Health, Department of National Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Transportation, at iba pa.

Giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, prayoridad pa rin ng pamahalaan ang pagtugon sa krisis sa kalusugan kahit mas mataas ang pondo ng DPWH sa DOH.

“Talaga pong prayoridad natin ang kalusugan sa panahon ng pandemiya pero wag po nating kalimutan, yung atin mga TTMFS, yun pong ating modular hospitals, ang nagpapatupad po niyan, DPWH din so malaking bahagi po ng budget ng DPWH ay para din po sa ating COVID-19 response”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,