Project NOAH, hindi na kasama sa Pre-disaster Risk Assessment meeting ng NDRRMC

by Radyo La Verdad | December 27, 2017 (Wednesday) | 3072

Nagtatanong si Dr. Mahar Lagmay kung bakit mataas ang bilang ng mga naiwang patay ng bagyong Vinta na umakyat na sa mahigit 200 base sa ulat ng NDRRMC.

Sa mga nakalipas na taon aniya ay kasama pa sila sa Pre-Disaster Risk Assessment o PDRA meeting ng NDRRMC na isinasagawa bago tumama ang isang bagyo.

Si Lagmay ang director ng “Project NOAH” o Nationwide Operations Assessment Hazards na natapos naman ang termino sa pamahalaan sa unang bahagi lamang ng 2017. Mula aniya noong Marso ay hindi na sila iniimbitahan ng NDRRMC sa tuwing magkaka-bagyo kahit na umapela na ito sa pamamagitan ng sulat. Ikinukumpara ni Lagmay ang bilang ng mga casualty pagkatapos ni Yolanda nang kasama pa sila sa mga meeting ng NDRRMC.

Ayon kay Lagmay, mahalaga ang ibinibigay na impormasyon ng mga experto ng Project NOAH sa PDRA meetings lalo na sa mga lugar na maaaring magkaroon ng pagbaha at landslides. Kagaya na lamang aniya nang nangyari sa isang lugar sa Lanao del Norte na isa sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Vinta.

Ayon naman kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, ginagawa naman nila ang lahat ng paghahanda gaya dati at nagbibigay ng babala sa mga maaapektuhang lugar.

Pero ayon kay Lagmay, kailangan ng maibaba ang babala sa panganib sa kasuluk-sulukang barangay na maaaring maapektuhan.

Ang Project NOAH ay inampon ng University of the Philipines at naka-bahay na ngayon ito sa UP NOAH Center kung saan si Dr. Lagmay din ang director.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,