Pinaghahandaan na ngayon ng pamahalaan kung papaano makasasabay ang mga magsasaka sa posibleng pagluwag ng pagpasok ng imported na bigas sa bansa sa susunod na taon.
Sa 2017 ay ma-e-expire o matatapos na ang quantitative restriction na isa sa naglilimita sa dami ng aangkating bigas.
Noong 1995 ay pinayagan ng World Trade Organization ang Pilipinas na magpatupad ng quota system sa loob ng 10 taon sa importasyon ng bigas na napalawig pa noong 2004 at 2014.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Segfredo Serrano, kailangan munang ma-amyendahan ang RA 8178 o ang “Agricultural Tariffication Act of 1996” bago maalis ang quantitative restriction.
Subalit magiging mahigpit pa rin aniya ang pamahalaan kung sakali mang may mga bigas na papasok sa bansa.
Nakatuon din ang atensyon ng D.A. sa pag-suporta sa mga magsasaka gaya ng farm mechanization upang mapababa pa ang gastos sa produksyon ng bigas at dumami rin ang ani.
Sa ngayon ay nasa 10 hanggang 11 pesos kada kilo ang gastos ng mga Pilipinong magsasaka, higit na mataas kumpara sa thailand na nasa P8 at vietnam na nasa P5 lamang.
Samantala, isusulong naman sa kongreso ang pagpapalawig ng Notice of Coverage o NOC sa mga lupang maaari pang ipamahagi sa mga magsasaka.
Ang NOC ay unang hakbang upang masakop ng agrarian reform ang isang lupain na natapos o nag-expire na rin noong 2014.
Ayon kay Rep. Teddy Baguilat, nasa 60 libong ektarya pa ng lupa ang maaaring masakop ng carp kung mabibigyan ng extension ang NOC.
Bukod dito ay nakahanda namang sumuporta ang mambabatas kung sakaling isulong ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang genuine agrarian reforms bill.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)
Tags: mas paiigtingin ng pamahalaan, Programa para sa mga magsasaka, upang makasabay sa posibleng pagluwag ng importasyon ng bigas