MANILA, Philippines – Bahagyang tumaas ang produksyon ng isda sa bansa batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Ang pagtaas ng produksyon ay dahil sa aquaculture o pag-aalaga ng isda na umangat ng halos 3%.
Ayon sa bfar, bumaba ang produksyon ng isda noong mga nakaraang taon dahil sa mga dumaang bagyo o sama ng panahon; ilegal na pangingisda; polusyon sa mga tirahan ng isda at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Dagdag pa ng ahensya nasa 2.84% o mahigit sa 123,000 metric tons ang nahuhuling isda sa west philippine sea partikular mula sa regions 1, 3, 4a at 4b o mga lalawigang nakaharap sa karagatan.
Pinakamarami pa ring nahuhuling isda sa regions 9, 12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan makikita ang mga galunggong at tuna.
Samantala, ang nakakalungkot lang anila ay patuloy na nasisira ang mga coral na siyang tahanan ng mga isda. Ayon sa bfar, mayroong dalawampu’t pitong libong ektarya ng mga coral ang Pilipinas subalit isang porsyento na lamang doon ang maituturing na maayos.
Nasa 68.7 billion pesos din ang nawawalang kita ng bansa dahil sa illegal fishing. Naapektuhan din ang mga coral ng pagtaas ng temperatura o ang tinatawag ng coral bleaching.
“We will see more coral bleaching ibig sabihin yung pagkakamatay ng mga corals dahil tumaas halimbawa yung water temperature o mas na-expose sila ngayon sa sun. Example nalang yung sardines, maliliit pa naging mature na” ani BFAR Assisstant Director For Admin Services Sammy Malvas.
Ayon naman kay Deo Frorence Onda ng Up Marine Science Institute, totoong sagana sa yamang dagat lalo na sa isda ang west philippine sea.
“Isa lang indikasyon non, kung maraming pumupuntang fishermen doon sa west philippine sea, ibig sabihin marami silang napapakinabangan at marami silang nakukuha. Ibig sabihin din non, mayamang pangisdaan ang west philippine sea” ani Up Marine Science Institute Chief Scientist Dr. Deo Florence Onda.
(Rey Pelayo | Untv News)