Proclamation Rally ng Domagoso-Ong tandem, isinagawa sa Maynila

by Radyo La Verdad | February 9, 2022 (Wednesday) | 2653

Buong araw na nag-ikot sa lungsod ng Maynila sina presidential candidate Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa unang araw ng kampanya para sa 2022 national and local elections.

Kasama nito ang kaalyadong sina vice presidential candidate Doc. Willie Ong at mga pambato nito sa senado na sina Doctor Carl Balita, Samira Gutoc at Jopet Sison.

Sinamahan ang mga ito ng libo-libong mga taga suporta at motorcycle riders na nakasuot ng kulay asul na damit para sa kanilang tinaguriang blue wave caravan.

Walang pagod na kinawayan at sinayawan ng 47 years old na presidential aspirant at mga kaalyado nito ang mga residente.

Habang matyaga namang naghintay at nagpakita ng mainit na suporta ang mga Manileño sa kanilang pangangampanya.

Sa talumpati ni Domagoso sa proclamation rally, sinabi nito ang ilan sa kaniyang mga pangunahing adhikain sa pagtakbo para sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

“Kung sakali, may awa ang Dios ako ang pinili ninyo, ang pinili ninyo ay bahay, eskwelahan, kalusugan, trabaho at kapanatagan at pantay-pantay na pilipino sa buong bansa,” ani Mayor Isko Moreno Domagoso, Presidential Candidate.

Ipinahayag naman ni Doc. Willie Ong ang kaniya ring mga intensyon sa pagtakbo sa pagkabise presidente sa bansa.

“Dapat po tayo, simple lang eh, eye on the ball. Bakit ba tayo tumatakbo? Di ba? tumatakbo tayo kasi nangawa tayo sa kababayan nating may sakit. Naawa tayo sa walang pera, walang makain. siguro, iba sa atin may mga pera. Pero papaano naman yung mga iba lalo na ngayon, nangyari yung sa Covid, itong pandemya,” ayon kay Doc. Willie Ong, Vice Presidential Candidate.

Ngayong araw, ( Feb. 9 ) nakatakda namang mangampanya ang kampo ni Mayor Isko Moreno sa Montalban at San Mateo, Rizal at Markina city.

Asher Cadapan, Jr. | UNTV News




Tags: ,