Isinapubliko na ng Malacañang ang nilagdaang proklamasyon ni Pang. Rodrigo Roa Duterte sa pagdedeklara ng state of national emergency on account of lawless violence.
Nakatakda ring maglabas ng patakaran ang Malakanyang sa pagpapatupad nito.
Nakasaad dito ang mga naging batayan ng pangulo sa paglalabas ng naturang deklarasyon.
Kabilang dito ang naitalang laganap na karahasan at tahasang paglabag sa batas ng mga teroristang grupo tulad ng:
– Pagdukot o kidnapping
– Hostage taking
– Mga pagpatay at pamumugot ng ulo
– Mass jailbreaks
– At ang sunod-sunod na pambobomba kung saan pinakamadugo ay sa Davao City noong Biyernes ng gabi na ikinasawi ng 14 at ikinasugat ng 76 tao.
Bukod dito, may mga intelligence report na rin na natatanggap ang pamahalaan na planong maghasik din ng karahasan sa iba pang bahagi ng bansa lalo na sa metropolitan areas.
Dahil sa mga naturang impormasyon kaugnay ng banta ng seguridad, minabuti ni Pangulong Duterte na iproklama ang state of national emergency on the account of lawless violence.
Layon nitong atasan ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na bantayan ang seguridad ng publiko at pigilan ang anumang naka-ambang karahasan sa bansa ayon sa itinatadhana ng saligang batas.
Iiral ang proclamation of state of national emergency on account of lawless violence sa buong bansa hangga’t hindi binabawi ni Pangulong Duterte.
(Rosalie Coz/UNTV Radio)
Tags: state of national emergency on the account of lawless violence.