Problema sa mga balikbayan box, nais paimbestigahan sa House of Representatives

by Radyo La Verdad | August 24, 2015 (Monday) | 2486

COLMENARES
Dalawang kongresista na ang nagsabing maghahain ng resolution upang imbestigahan ang mga balik bayan box na binubuksan ng Bureau of Customs.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares marami nang report ang nakarating sa kanila sa plano ng BOC na lalong higpitan ang rules and regulations sa mga ipinadadalang mga balikbayan box ng mga ofw.

Maging sa mga social media binabatikos na ang bagong mga regulasyong ito ng BOC.

Binigyang diin ni Colmenares na maliit na bagay lamang ang mga laman ng balikbayan box kumpara sa tone-toneladang basura at smuggled products na nakalulusot sa Bureau of Customs na mas dapat na pagtuunang pansin.

Gaya ng mga smuggled oil, gadgets, rice, onion at iba pang produktong galing sa ibang bansa.

Tutol naman si OFW Party List Rep. Roy Señeres, sa umano’y plano ng Bureau of Customs na patawan ng dagdag na buwis ang mga balikbayan box.

Ayon kay Señeres nagsasakripisyo ang mga ofw na mangibang bayan upang kumita ng kaunti at maipangtustos sa kanilang pamilya.

Kaya hindi na dapat pa silang patawan ng malaking buwis.

Nakatakdang ihain nina Colmenares and Señeres ang kanilang resolusyon ngayong linggo.

Ngunit sa isang statement ay pinabulaanan ng Bureau of Customs na may plano silang itaas ang buwis sa mga balik bayan box.

Base sa kasalukuyang batas 10-thousand pesos worth of products lamang ang allowed sa isang balik bayan box.

Ito daw ang isa sa mga dahilan kaya binubuksan ang mga balikbayan box upang matiyak na hindi lalampas sa naturang halaga ang nilalaman nito.

Nilinaw pa ng BOC na kaya lamang nila nais higpitan ang guidelines at inspeksyon sa mga dumarating na balikbayan box ay dahil may ilang smugglers na ginagamit ang mga balik bayan box upang magpasok ng mga produkto o ang tinatawag na mga “riders”.

Samantala pinag-aaralan narin ngayon ni Colmenares na itaas ang valuation amount sa mga balikbayan boxes. (Grace Casin / UNTV News)

Tags: , ,