Problema ng illegal gambling sa bansa, sunod na tutukan ng Administrasyong Duterte – DILG

by Radyo La Verdad | January 24, 2017 (Tuesday) | 1899

JOYCE_SUENO
Kaunti na umano ang nagagawang anti-illegal gambling operations sa iba’t ibang parte ng bansa dahil sa pagtutok ng Duterte Administration sa problema sa iligal na droga.

Ito ang inihayag ng Philippine National Police sa joint hearing ng Senate Committee on Games and Amusement at Justice and Human Rights kanina.

Ngunit ayon kay Interior Secretary Ismael Sueno, ngayong taon na sisimulan ng Administrasyong Duterte ang pagresolba sa illegal gambling at nagbigay na ito ng direktiba sa militar at pulisya.

Sinabi rin ni Sueno na pinapalakas na rin ng Department of the Interior and Local Government, katuwang ang PNP, ang intelligence gathering laban sa mga sangkot sa illegal gambling.

Ayon naman kay Games and Amusement Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson, kailangan nang amiyendahan ang sinusunod na charter ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO para maging akma ito sa kasalukyang panahon.

Dapat rin aniyang klaruhin ang umano’y pagtanggap ng kita ng mga lokal na opisyal, katulad ng mayor at congressman, mula sa mga Small Town Lottery o STL.

At sa halip na ibigay sa LGU ay ilaan na lamang ang pondo sa iba pang charity projects.

Nararapat din aniyang imbestigahan ang korapsyon na konektado sa illegal gambling dahil maraming operasyon ang hindi nahuhuli dahil nababayaran ang mga pulis at mga lokal na opiysal.

Maging si Sec. Sueno ay umamin ring nalapitan na at inalukan ng malaking halaga para protektahan ang illegal gambling operations.

Sa ngayon ay pagaaralan pa ng komite kung ano ang maaaring maipasang batas upang makatulong sa pagsugpo sa illegal gambling sa bansa.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,