Patuloy na hinihikayat ng Antique Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang magulang ng mga batang edad 5 -11 na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
Umabot sa 98 na bata ang nabakunahan sa isinagwang kick-off ceremony sa Binirayan Gymnasium, San Jose de Buenavista nitong Martes (February 15) habang nasa 360 na bata na ang kabuuang nabakunahan sa probinsya as of February 17.
Target ng probinsya na mabakunahan ang nasa 95, 437 na mga bata sa nasabing age group.
Nanawagan naman ang Liga ng mga Barangays (LNB) President Pamela Socorro Azucena sa 590 barangay captains ng probinsya na magsagawa ng home visitation para mahikayat ang mga nasasakupan nito na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Dagdag naman ni Dr. Rachel Molina ng Philippine Pediatric Society-Antique, mahalaga ang pagpapabakuna ng nasabing age group dahil maaari silang ma-expose sa mga indibidwal na carrier ng virus.
Samantala, naglaan ang Department of Health Western Visayas Center for Health Development (DOH WV CHD) ng 3,000 doses ng reformulated Pfizer vaccine para sa probinsya.
(Renee Lovedorial | La Verdad Correspondent)
Tags: Covid-19, pediatric vaccination