PRO-7, patuloy ang pagsasagawa ng mga operasyon kontra iligal na paputok

by Radyo La Verdad | December 31, 2015 (Thursday) | 1496

GLADYS_PAPUTOK
Nagsagawa ng mahigit limampung operasyon kontra illegal na paputok ang Police Regional Office-7 mula December 16 hanggang December 20.

Ilan sa mga ipinagbabawal na paputok na nakumpiska ng mga pulis ay ang picolo, pop pop, super lolo at judas belt.

Nakuha ang karamihan sa mga ito sa mga nagbebenta ng walang permit at mga nagtitinda sa hindi designated area.

Ang mga nakumpiskang paputok ay sinira at binasa ng pulisya upang hindi na magamit.

Ayon kay PRO-7 Regional Director PCSupt. Manuel Gaerlan, maglalagay pa ito ng mas maraming patrol na magiinspeksyon sa mga tindahan ng paputok.

Muli namang pinayuhan ng pulisya ang ating mga kababayan na huwag nang gumamit ng mga paputok sa halip ay gumamit na lamang ng torotot, magpatugtog o di kaya ay manood na lamang ng fireworks display.

Nagpaalala rin ang PRO-7 sa mga magulang na bantayan ang mga anak at huwag hayaang bumili at gumamit ang mga ito ng paputok.

Samantala, nagbabala naman si Gaerlan sa lahat ng mga gun holder na huwag gamitin ang baril bilang paputok upang walang sinoman na matamaan ng ligaw na bala.

Panawagan ng pulisya, kuhanan ng litrato o video at i-report sa kanilang tanggapan kung may makikitang magpapaputok ng baril.

(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,