Privatization ng PCSO, ipinanukala ng isang Senador kasunod ng alegasyon ng korapsyon

by Radyo La Verdad | July 29, 2019 (Monday) | 2303

Bilang alternatibo sa total ban sa gaming activities ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), mas mabuti aniya na isapribado na lamang ang PCSO. Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan at matitigil na ang korapsyon Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Paliwanag ng Senador, kung ito ay maisasapribado, maiiwasan na ang pakikialaman ng ilang public officials na pinagmumulan minsan ng korapsyon.

Direkta na rin aniyang ibibigay ang perang kinikita sa Department of Social Welfare and Development na itutulong naman sa mga mahihirap, lalo na sa mga may pangangailangang medikal.

Ayon kay Gatchalian, maaaring sa pamamagitan ng isang batas gawin ang privatization o sa mismong direktang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa tanong naman kung kailangang i-exempt o hayaan na lamang ang lotto na magoperate. Ayon kay Senator Panfilo Lacson, kung ang intensyon ng pamahalaan na ipatigil ang lahat ng sugal, dapat isama ang lahat ng uri ng sugal kasama na ang mga regulated games ng PAGCOR tulad ng mga Casino. Ngunit kung hindi naman ganito ang layon, dapat i-exempt ang lotto.

Naniniwala naman si Senate President Vicente Sotto III, na sa oras na masugpo ang korapsyon sa PCSO ay maaari naman muling maibalik ang operasyon ng mga gaming activities na may prangkisa.

(Nel Maribojoc)

Tags: ,