Price ceiling sa baboy at manok, mabuti ang idinulot

by Erika Endraca | March 9, 2021 (Tuesday) | 2606

METRO MANILA – Naging epektibo ang umiiral na price ceiling sa mga produktong baboy at manok, upang maagapan ang naging biglang pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan partikular na sa Metro Manila.

Ito ang naging pahayag ni Department of Agriculture Secretary William Dar nitong Lunes, Marso 8, isang buwan bago ang inaasahang pagtatapos ng ipinatutupad na price ceiling sa Abril 8, base sa Executive Order 124 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Secretary Dar, bagama’t hindi lahat ng mga negosyante ang sumusunod sa ipinapatupad na price ceiling, ay mabisa pa rin itong paraan upang mapigilan ang mga maling gawain ng mga negosyante ukol sa pagbebenta ng baboy at manok.

Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay nagpapatunay na may malasakit ang pamahalaan sa mga mamimili, lalo na’t maraming mamamayan pa rin ang nahihirapan bunsod ng patuloy na lumalaganap na pandemya.

Umaasa ang ahensiya na ang mga mangangalakal ng mga produktong ito ay isa sa magiging katulong ng gobyerno upang makabangon muli ang ekonomiya ng bansa sa halip na pagsamantalahan ang usapin patungkol sa supply ng baboy at manok.

(Raymund David | La Verdad Correspondent)

Tags: ,