90-araw na preventive suspension ang ipinataw ni Executive Secretary Salvador Medialdea laban kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Bukod dito, pormal na rin itong nagsampa ng administrative charges laban kay Carandang sa Office of the President. Bunsod ito ng paglalantad ni Carandang sa umano’y mga “fabricated” bank records ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kaniyang pamilya.
Si Carandang ang nangunguna sa imbestigasyon sa umano’y multi-billion peso bank accounts ni Pangulong Duterte batay sa isinampang reklamo ni Senator Antonio Trillanes.
Sinabi rin ni Carandang na galing umano sa Anti-Money Laundering Council o AMLC ang hawak nitong bank transactions ng Pangulo at ng kaniyang pamilya.
Gayunman, itinanggi ng AMLC na sa kanila galing ang bank records. Pangunahin namang kinuwestyon ni Sen. Trillanes ang desisyon ng Malakanyang at sinabing impeachable offense ang hakbang na ito dahil independent institution aniya ang Office of the Ombudsman.
Binatikos din ito ng grupong Tindig Pilipinas at sinabing ayon sa isang kaso na dinesisyunan ng Korte Suprema, kung ano ang turing sa Ombudsman, gayundin dapat sa kaniyang mga deputies bilang hiwalay na institutusyon.
Subalit giit ng Duterte administration, ligal ang ginawa nilang aksyon laban kay Carandang.
Sinabi naman ng complainant laban kay Carandang na si Atty. Manuelito Luna, bahagi ito ng karapatan ng punong ehekutibo.
Tinutukoy nito ang Republic Act 6770 Section 8-2 ng Ombudsman Law, may karapatan ang Pangulo na tanggalin sa pwesto ang deputy o ang special prosecutor kung mapapatunayan itong lumabag sa batas, gumawa ng anomang katiwalian o krimen.
Wala namang tugon si Carandang gayundin ang Office of the Ombudsman hinggil sa isyu.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )