Presyo ng tinapay, planong itaas ng mga panadero

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 3719

Tumaas ng 50 piso ang presyo ng harina, mula sa dating 700 piso kada sako ay mabibili na ito ng 750 hanggang 760 piso kada sako ngayong taon.

Ang harina ang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay, ginagamit rin ang harina sa mga noodles at iba pang produkto.

Kaya naman si Wilson Flores ng Kamuning Bakery, pinag-iisipang itaas rin ang presyo ng kanyang tindang tinapay. Pero aniya napipigilan siya dahil baka lumipat sa iba ang kanyang mga suki.

Sa ngayon ay panghahawakan na muna niya ang sinasabi ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsisimulang bumaba ang presyo ng mga bilihn sa susunod na taon.

Pero ayon sa Department of Trade and Industry, kahit nagtaas ang presyo ng harina ay mababa pa rin ang presyo nito kumpara sa mga nagdaang taon.

Noong 2014 ay umabot ng 800 piso hanggang 900 piso ang presyo ng kada sako ng harina. Subalit pagpasok ng taong 2018, unti-unti na itong bumaba hanggang sa 600 piso na bentahan ng ilang flour miller batay sa datos ng DTI.

Kahit ang ilang consumer group, naniniwalang hindi napapanahon ang pagtaas sa presyo ng tinapay.

Ngunit ayon sa Laban Konsyumer group, hindi sapat na dahilan ang paghina ng piso kontra dolyar at pagtaas ng presyo ng trigo. Mas nananaig pa rin ang laki ng kompetisyon sa pagitan ng mga flour millers.

Ayon naman sa Philippine Bakers Association, pag-uusapan pa ng kanilang grupo ang plano ng pagtataas ng presyo.

Kahit sabihin pa na mababa ang presyo ng harina, nagtaasan naman daw ang ibang bilihin gaya ng asukal, langis, LPG at ibang sangkap na ginagamit nila.

Hinihiling naman ng mga consumer group na maisama na ng DTI sa kanilang expanded SRP ang mga branded na tinapay upang mamonitor rin ang presyo ng mga ito bukod sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,