Presyo ng tinapay, planong itaas ng mga baker

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 11361

Nagrereklamo ang accountant na si Rose sa kanyang amo dahil mukhang hindi ito nakikinig sa kanyang payo na itaas ang presyo ng kanilang tindang tinapay. Sa kompyutasyon ni Rose, patuloy na tumataas ang gastos nila sa mga sangkap sa paggawa ng tinapay.

Batay sa talaan ni Rose, tumaas ng 30% ang presyo ng asukal, 10% ang itinaas ng itlog, 3% sa gatas at kahapon lang ay tumaas ang presyo ng LPG na nasa sampung porsyento.

Pero ayon kay Wilson Flores na amo ni Rose, hanggang makakapagtiis ay nagtitiis siya na huwag magtaas sa presyo ng tinapay. Sa dami ng kakompetensya nila na mga bakery, hindi isasapalaran ni Wilson ang kanilang mga suki.

Ang pinanghahawakan ni Mang Wilson, mula Enero hanggang ngayong Agosto ay wala silang naitalang pagtaas sa presyo ng pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay, ang harina.

Pero hindi niya isinasantabi ang payo ng kanyang accountant kung kayat kung magpapatuloy ang pagtaas sa presyo ng mga sangkap ay posible na magtaas na rin sila ng presyo ng tinapay. Miyembro si Mang Wilson ng Filipino Chinese Bakers Association.

Aniya, hindi sila pinakikialaman ng asosasyon pagdating sa pagtatakda ng presyo ng tinapay kung kayat kanya-kanya silang diskarte kung ano ang mas magiging paborable sa kanila at sa mga suki.

Samantala, pinatunayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagtatas sa presyo ng mga bilihin. Nakita ng BSP na umabot sa 5.1 hanggang 5.8% ang inflation nitong nakaraang buwan ng Hulyo.

Ang dahilan ng inflation ay ang pagtaas sa presyo ng bigas at mga agricultural products kasama na ang asukal, maging ang pagtaas sa presyo ng kuryente at tubig.

Sa pahayag ng BSP, ang mataas na inflation noong Hulyo ang siyang pangunahing naka-apekto sa pagtaas sa presyo ng ilang serbisyo at bilihin kabilang na rin ang implementasyon ng tax-reform law.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,