Presyo ng ticket sa eroplano, inaasahang bababa sa January 2023 – CAB

by Radyo La Verdad | December 21, 2022 (Wednesday) | 3955

METRO MANILA – Mula sa kasuluyang level 8 na fuel surcharge na ipinapataw sa pamasahe sa eroplano, ibababa sa level 7 ang fuel surcharge simula sa Enero 2023.

Ayon kay Civil Aeronautics Board Executive Director Attorney Carmelo Arcilla itoý dahil bumaba na rin sa P41.50 ang presyo ng kada litro ng jet fuel.

Dahil dito inaasahang bababa rin ang presyo ng ticket sa eroplano mapa-domestic at international flights.

At dahil bababa ang presyo ng plane tickets inaasahang makakatutulong rin ito upang lalo pang mapalakas ang turismo sa bansa.

Batay sa report ng Department of Tourism (DOT), umabot sa mahigit P149-B ang kinita ng tourism sector ngayong taon.

Ayon kay DOT Secretary Christina Frasco katumbas ito ng 12.8% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa o karagdagang P2.5-T na kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa datos ng DOT nasa 2.4 million ang mga turistang dumating sa bansa ngayong taon. 75% nito ay pawang mga dayuhang turista.

Nangunguna sa listahan ng mga foreign tourist na bumisita sa Pilipinas ay mula sa mga bansang Amerika, South Korea, Australia, Canada, United Kingdom at iba pa.

Samantala inaasan naman bago matapos ang taong 2022 ay aabot pa sa 2.5 million na mga turista ang bibisita sa bansa.

Kamakailan lamang itinanghal ang Pilipinas bilang World’s Leading Beach and Diving Destination sa World Travel Awards na idinaos sa Muscat, Oman.

(Harry Ilagan | UNTV News)

Tags: ,