Presyo ng sibuyas, posibleng maging nasa P150/kl sa Pebrero base sa pagtaya ng SINAG

by Radyo La Verdad | January 16, 2023 (Monday) | 3186

METRO MANILA – Nasa P150 lamang kada kilo ang posibleng maging presyo ng sibuyas sa buwan ng Pebrero base sa pagtaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).

Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) noong January 13 ay nasa P350-P550 ang kada kilo ng sibuyas sa mga pangunahing palengke sa Metro Manila.

Ayon sa Chairman ng SINAG na si Ronsendo So, posibleng bumagsak na lamang sa P100 kada kilo ang farm gate price o halaga ng sibuyas sa bukid.

Nasa 20,000 metriko tonelada aniya ang tinatayang aanihin sa susunod na buwan habang nasa 14,000 metriko tonelada lamang ang pangangailangan ng buong bansa.

Ang problema pa aniya ay masasabayan pa ito ng pagdating ng 21,000 ng tonelada ng sibuyas na inaprubahan ng DA na angkatin.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,